The title literally means “Music Has Been Heard Again.” This piece is a Filipino translation and longer version of the slice-of-life story, Nanay Hears the Band Again, published in Flash Fiction Magazine on January 18, 2019.

Ang mabangong amoy ng kumukulong tsokolate at ang mahinang pag-uusap ng mga magulang ko mula sa kusina ang gumising sa akin mula sa pagkakahimbing sa silid ko.

Bumangon ako’t napatigil.

Naririnig ko ang papalapit na bandang pambayan. Ito ay tumutugtog at nagmamartsa sa buong bayan kada ika-lima ng umaga kung kailan madilim, malamig, at tahimik pa ang paligid. Ito ay bahagi ng pagdiriwang sa nalalapit na araw ng pista ng bayan ng San Roque—anim na araw na lamang mula sa araw na iyon.

Ang musikang nililikha ng bandang pambayan ay binubuo ng masasayang notang kay ganda sa pandinig. Ang dagundong ng mga tambol animo’y dagundong ng nagbabadyang kulog sa panahon ng tag-ulan na sa halip nananakot sa mga nakaririnig ay naghahatid ng kagalakan. Ang hagithit ng mga trumpeta ay gumuguhit ng nasisiyahang ngiti sa aking mga labi. Maging ang kalembang ng mga pompyang na sa ibang pagkakataon ay nakakairita ang tunog ay marahang gumigising sa inaantok ko pang kamalayan.

Pupungas-pungas kong tinungo ang aming maliit na kusina. Naabutan kong nagpiprito na si Tatay ng tuyo matapos lutuin ang tsokolateng gawa sa purong tableang ito at si Nanay mismo ang gumawa.

May ilang puno ng kakaw—ang purong tablea ay gawa sa pinatuyo at tinustang mga buto ng kakaw—sa aming likod-bahay na hindi nawawalan ng bunga sa buong taon. Walang katumbas ang lasa ng purong tableang nilusaw at pinakuluan sa gata at hinaluan ng pulang asukal. Hindi ko ito ipagpapalit sa mga tableang nakapakete na mabibili lamang sa mga groserya. Sa katunaya’y ginagawang pasalubong ang purong tablea para sa mga taga-Maynila.

Kasama ng mainit-init pang kanin, ang kaluluto lang na tuyo at tsokolate ay ang perpektong agahan para sa akin. Kapag ibinubuhos ko ang tsokolate sa kanin ay wala na rin itong ipinagkaiba sa tsamporado. Ang totoo’y perpekto ring pananghalian at hapunan ang pinagsama-samang kanin, tuyo, at tsokolate. Hindi ko alam sa ibang mga pamilya, pero karaniwan na namin itong ginagawa.

“Naririnig n’yo ho ba ang bandang pambayan?”  wika ko sa malat pang tinig.

“Maganda pa rin sa pandinig,” sagot ni Nanay habang nagsasalin ng umuusok pang tsokolate sa tatlong tasa. “Hindi ako makapaniwalang pista na naman. Ito ang unang martsa ng bandang pambayan, hindi ba. Ronan, kung sana’y miyembro ka pa rin ng isang lokal na banda. Hindi ko malilimutang noong una kitang makita…”

Tumindig ako, at sa mabibilis at malalaking hakbang ay tinungo ko ang banyo.

Masayang inaalala ni Nanay ang araw ng una nilang pagkikita ni Tatay. Noo’y isang simpatikong tagatambol ng isang lokal na banda si Tatay. Kabisadong-kabisado ko na ang bawat detalye ng kuwentong iyon. Sa parehong araw kada taon, sa tuwing nagmamartsa ang bandang pambayan sa unang pagkakataon, ay nasisiyahang inaalala iyon ni Nanay.

Hindi ko mapigilang mapangiti habang ako’y naghihilamos.

Hindi ko man silipin ang dalawa sa kusina ay alam kong nakangiti si Tatay. Alam ko ring ang ngiting iyon ay dahil sa mismong matamis na alaala, at hindi dahil sa pagiging palakuwento ng kabiyak nito. Higit sa lahat, alam kong mas nag-iigting ang pagmamahal nila para sa isa’t isa sa araw na iyon kaysa sa ibang mga araw.

At pagmamasdan ko na lamang silang dalawa nang may matamis na ngiti sa mga labi. Sa isip ko’y masuwerte akong mahal ng mga magulang ko ang isa’t isa. Sa parehong araw kada taon ay tila ba sila lamang dalawa sa mundo nilang puno ng pag-ibig. Sa kabila ng katotohanang payak ang aming pamumuhay, hindi ko maiisip kailanmang gusto ko ng mayamang mga magulang.

~

Sa parehong araw sa sumunod na taon, marahang niyugyog ako ni Nanay upang gisingin. Mag-iika-lima pa lamang ng umaga. Bumangon ako paupo sa aking higaan sa nangungunot na noo. Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang hirap na hirap na paghinga ni Nanay. Tila siya tumakbo ng ilang kilometro para lamang marating ang silid ko.

Sa taong iyon ay dalawang beses kaming bumalik sa ospital. Napapadalas ang pag-atake ng hika ni Nanay. Kadalasa’y bumubuti ang lagay niya pagkatapos gumamit ng nebulizer—isang aparatong pampausok na ginagamit ng mga may hika para gumaan ang pakiramdam at muling umayos ang paghinga. Subalit sa dalawang pagkakataong iyon ay malubha ang atake na kinailangan naming dalhin siya sa ospital.

Nakalulungkot mang isipin ay isa ang taong iyon sa mga taong hindi ko gusto. At hindi ko gustong maaalala. Ilang taon na lamang ay pareho nang sisenta anyos ang mga magulang ko. Ako’y nag-iisang anak lamang—ipinagbuntis at ipinanganak habang si Nanay ay nakararanas na ng mga sintomas ng menopos.

“Halika’t samahan mo ako sa tabing-dagat,” sabi ni Nanay.

“Kaya n’yo ho bang lumabas?” nag-aalalang tanong ko. “Nahihirapan ho kayong huminga.”

“Iyan ang mismong dahilan kung bakit tayo pupunta roon.”

Naniniwala si Nanay na ang pag-e-ehersisyo sa tabing-dagat bago sumikat ang araw ay nagpapagaling ng hika. Hindi ako kumbinsido roon, pero sinasamahan ko pa rin siya sa tuwing magyayaya sa tabing-dagat. Masaya ako kapag ginagawa namin iyon. Masaya akong sinasamahan si Nanay.

Tinutungo ko na ang kusina nang maamoy ko ang pinipritong tinapa ni Tatay. Maliban sa tuyo, masarap ding kasama sa kanin at tsokolate ang tinapa.

Nasa likuran ko si Nanay nang mapatigil ako. “Naririnig n’yo ho ba ang bandang pambayan?” baling ko sa kaniya. Nakita ko sa gilid ng aking mata na nilingon kami ni Tatay.

Napangiti si Nanay na tila ba biglang nawala sa isip niyang nahihirapan siyang huminga. “Ang una nilang martsa.” Nilampasan niya ako at nilapitan si Tatay. “Hindi ako makapaniwalang ipagdiriwang na naman natin ang pista ika-anim na araw mula ngayon. Matagal ko ring di narinig ang magandang musikang ito. Ronan, kung sana’y kabilang ka sa bandang pambayan at tumutugtog ng tambol. Naaalala mo ba noong una tayong magkita…”

Napangiti na lamang ako. Mga magaganda at masasayang alaala pa rin ang mabisang lunas sa mga atake ng hika ni Nanay. Gumaan ang aking loob. Mabigat sa loob kapag nakikita kong nahihirapang huminga si Nanay.

Tumalikod ako para tahimik na bumalik sa aking silid, ngunit tinawag ako ni Tatay. Napakagat-labi na lamang ako. Akala ko ay makababalik ako sa pagtulog. Masaya ko pa ring sinasamahan si Nanay sa tabing-dagat, pero sa mga oras na iyon ay nais kong matulog pa. Isa pa’y hindi ako sang-ayon na lalabas siya sa ganoong kondisyon. Tag-ulan ang buwan ng Agosto kung kailan ipinagdiriwang ang pista ng bayan, at napakalamig sa labos—lalo sa tabing-dagat—sa mga oras na iyon.

“Nagpapasama sa tabing-dagat ang nanay mo, hindi ba?” sabi ni Tatay na binalingan si Nanay sa nag-aalalang mukha.

Ang ngiti sa mga labi ni Tatay na dulot ng masayang pag-aalaala ni Nanay ng matamis nilang unang pagkikita at pagkakaibigan ay kay bilis naglaho dahil sa dinaramdam ni Nanay sa mga sandaling na iyon. Nadismaya ako. Akala ko’y hindi na namin aalalahanin ang sakit ni Nanay nang simulan niyang ikuwento ang matamis na alaala.

“Maghihilamos ho muna ako,” wika ko nang may bahid ng lungkot.

“Bilisan mo’t lalamig ang pagkain.”

~

Makalipas ang siyam na buwan…

“Sa tingin ko’y dapat na tayong tumigil sa pagkain ng tuyo,” wika ni Nanay. Tinakpan niya ang kaniyang ilong at sinipat ang tuyo sa ibabaw ng mesa nang may disgusto.

Ika-pito nang umaga, at mag-aalmusal pa lamang kami ni Nanay. Si Tatay ay maagang umalis para pumasok sa opisina. Isa itong administrador sa munisipyo ng San Roque.

“Kailangan ko ang nebulizer,” sabi ni Nanay. Naririnig ko ang hirap sa paghinga niya nang tumayo siya’t naglakad palayo.

Napailing ako. Lubhang mas naging sensitibo na ang pang-amoy ni Nanay sa nakalipas na mga buwan. Hindi magandang pati ang amoy ng kapiprito lang na tuyo ay hindi na rin niya nakakayanang amuyin.

Nang tumunog ang telepono sa ibabaw ng mesita sa sala ay bahagya pa niyang ikinagulat. Tinungo ko iyon at sinagot ang tawag.

“Magandang araw,” anang isang lalaki sa kabilang linya. “Sa bahay na ito ho ba nakatira si G. Ronan Calvez?”

“Oho, ito ho si Martina, ang kaniyang anak. Sino ho sila?”

Katahimikan.

Napakunot-noo ako. Bigla akong kinakabahang hindi ko mawari.

Pagkuwa’y, “Ito ho ang malaking ospital sa bayan.”

Katahimikan.

Napalunok ako. Maya-maya’y ang katahimikan ay unti-unting napapalitan ng nakabibinging pagtibok ng aking puso. Kahit ang pagtibok ng aking pulso ay bumibingi rin sa pandinig ko.

“A-ano ho ba ang dahilan ng pagtawag nila?” nauutal kong tanong.

“Dinala ho ang inyong ama rito sa ospital mula sa kaniyang opisina sa munisipyo isang oras na ang nakararaan. Inatake ho sa puso. I-ikinalulungkot ko hong ipaalam—huwag ho kayong mabibigla—pero…”

Dumulas sa kamay ko ang telepono, at tila bombang sumabog sa pandinig ko ang tunog na nilikha ng pagbagsak ng aparato sa kongkretong sahig.

Wala na ho ang inyong ama…

~

Nagising ako sa naghahalong masasarap na amoy ng kumukulong tsokolate at pinipritong tuyo mula sa kusina. Bumangon ako. Tinungo ko ang kusina at nilapitan si Nanay sa harap ng kalan.

“Akala ko ho ba’y hindi na tayo kakain ng tuyo,” nangingiting sabi ko.

“Ano’ng magagawa natin? Paborito natin ang tuyo.”

Malungkot akong ngumiti. Mabuti’t tila hindi naaalala ni Nanay si Tatay habang nagpiprito ng tuyo. Si Tatay ang pinakamahilig magprito niyon. O mabuti nga ba iyon? Madalas ay wala nang emosyon sa mukha ni Nanay kapag nagsasalita. Hindi ko na alam minsan kung natutuwa o nalulungkot siya.

“Hindi na ho ba masama sa pang-amoy n’yo ang amoy ng tuyo?”

“Mabuti’t hindi na.”

“Sigurado ho kayo?” nag-aalala kong tanong. Alam kong kahit kaunting maling amoy lamang ay maaaring umatake ang sakit ni Nanay.

Bahagya siyang ngumiti. “Oo namn. Huwag mo akong alalahanin.”

Umupo ako at ngumiti nang maluwang. “Nanay, naririnig n’yo ho ba ang banda?” Ilang sandali na lamang at daraan na ang bandang pambayan sa harapan ng aming bahay.

Nalalapit na naman ang araw ng pista ng bayan. Hindi ko man lang namamalayan ang mabilis na paglipas ng panahon. Marahang umikot ang paningin ko sa buong kusina, hinahanap ang isa pang tao sa bahay na iyon na kailanman ay hindi ko na muling makikita pa.

Hindi agad tumugon si Nanay. Naglatag siya ng tatlong tasa sa mesa subalit natigilan. Muli niyang kinuha ang isa sa mga tasa at ibinalik sa lalagyan sa hanay ng mga kabinet sa bandang itaas ng lababo.

“Anong banda ang sinasabi mo riyan? Wala akong naririnig na kahit na ano.” Nawala ang bahagya nga lamang na aliwalas sa mukha ni Nanay. Ang tinig ay naging seryoso.

Nanigas ako sa pagkakaupo. Napatungo ako habang dumaraan ang masayang bandang pambayan sa harapan ng aming bahay.

Iyon ay isang pagkakamali.

Isang maling tanong.

Paanong kong nalimutan? Pinigilan ko ang sariling mapailing-iling.

“Maghihilamos ho muna ako,” sinabi ko na lamang.

Sa loob ng banyo ay umiiyak ako habang naghihilamos.

Mula ng araw na iyon ng pagpanaw ni Tatay dalawang buwan na ang nakararaan ay hindi na iniwan pa si Nanay ng kalungkutan at pighati. Kasa-kasama niya ang mga iyon saan man siya magpunta o anuman ang gawin niya. Ni hindi ko na kayang tumingin man lang sa gawi niya. Kapag nakikita ko ang hapis sa mukha ni Nanay ay nalulungkot din ako.

Isa lamang iyon sa mga pagkakataong hindi ganoon kalungkot ang mukha ni Nanay. Subalit sinira ko pa ang pagkakataong iyon dahil sa isang maling tanong. Nalimutan kong magmula nang pumanaw si Tatay ay tila ba hindi na naririnig pang muli ni Nanay ang bandang pambayan.

~

Sa sumunod na mga taon, ako’y maingat na maingat na. Kapag dumaraan ang masayang bandang pambayan sa harapan ng aming bahay ay nananatiling tahimik na lamang ako. Hindi rin iimik si Nanay. Ang musikang iyon ay tila ba nagbago. Hindi na maganda kahit sa aking pandinig. Ang masasayang notang bumubuo sa magandang musika ay tila ba naging malulungkot na nagpapangyari upang maging malungkot din ang mga nakaririnig.

~

Anim na araw bago ang pista ng bayan…

Ang ingay na nililikha ng nebulizer ni Nanay ay nagpabangon sa akin mula sa kamang aking hinihigaan sa aking silid. Tinungo ko ang kaniyang silid. Kahapon ay nakauwi rin kami mula sa ospital. Nanatili kami roon ng halos isang linggo. Inatake na naman ng matinding hika si Nanay. Akala ko’y mawawala na rin siya sa akin.

“Nahihirapan ho ba kayong huminga,” tanong ko sa nag-aalalang tinig.

Ibinaba ni Nanay ang hawak na mouthpiece ng nebulizer at pinatay ang aparato.

“Bakit n’yo ho pinatay? Marami pang Ventolin sa lalagyan.” Ang tinutukoy ko ay ang likidong medisinang ginagamit sa pagpapausok ng isang may hika gamit ang nebulizer.

Sinabihan niya akong huwag maingay.

Nang marinig ko ang papalapit na bandang pambayan ay saglit lamang akong natigilan. Ni hindi ko na naalalang sa araw na iyong pala ito unang tutugtog at magmamartsa. Tumindig ako at nagsimulang maglakad palayo.

Subalit napatigil ako nang magsalita si Nanay. “Dinig mo ba, Martina? Dinig mo ba ang bandang pambayan?”

Hindi ako nakaimik. Subalit hindi rin ako makaalis sa aking kinatatayuan. Animo’y naninigas na ang aking mga paa sa pagkakatayong iyon.

Pagkuwa’y dahan-dahan ko siyang nilingon.

“Matagal ko ring inasam na marinig muli ang magandang musikang ito,” wika ni Nanay, sa mukha ay ang mga emosyong dala ng matamis na nakalipas. “Ang iyong ama…” Tinitigan niya ako sa mga mata. “Alam mo bang miyembro ng isang lokal na banda ang iyong ama noong kabataan niya? Noong araw na una ko siyang makita sa likod ng mga tambol sa entablado ay hindi ko mapigilan sa sarili kong maamin na napakaguwapo at simpatiko niya. Ako ang unang nahulog sa pagitan naming dalawa. Hindi ko malilimutang—saan ka pupunta, Martina?”

Hindi ko na kayang marinig ang mga susunod pang sasabihin ni Nanay.

Tinakbo ko ang aking silid. Hindi ko mapigilan ang mapahagulgol. Sa puso ko’y alam ko ang dahilan kung bakit sinasabi iyon ni Nanay makalipas ang maraming taon. Mga taong hindi niya marinig ang masayanng musikang nililikha ng bandang pambayan sa tuwing dumaraan iyon sa harapan ng aming bahay. Mga taong napakaingat ko upang hindi ipaalala sa kaniya ang masasayang alaala ng pag-iibigan nila ni Tatay at ang pagbabalik-tanaw niya sa tuwing dumaraan ang bandang pambayan sa harapan ng bahay sa unang pagkakataon.

Wala akong naririnig, Nanay! Walang banda akong naririnig.

~

Handa na akong iwan ang bayan ng San Roque. Kahapon ay ang araw na sinamahan ko si Nanay sa kaniyang huling hantungan, sa tabi ng kinahihimlayan ni Tatay.

Ako’y nag-iisa na lamang. Walang dahilan para ako’y manatili pa sa bayang ito. Wala ring dahilan para marinig ko pang muli ang masayang bandang pambayan. Ayaw ko nang muling marinig pa ang musikang iyon.


o0o

Header Image: Sebastian Staines

 

cropped-logo-transparent1.png

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s